Buhangin

Nagtungo kami sa isang isla. Sa dami namin, mukha na kaming mga sinaunang tao na nasa balangay. Hindi namin aakalaing aabutin kami ng 30-45 minuto makarating lang sa isang barangay. Lutang pa ang diwa ko noon dahil maikli ang oras ng aking tulog pero ano ang magagawa ko? Gusto kong makakita ng mga lupaing tila nakalutang sa tubig. Ito kaya ang unang beses na makikipagniig ako sa karagatan dahil puro bundok ang nasa isip ko.

Pagdating namin sa pampang, nakita ko ang isang maliit na arko na may pangalan ng barangay nila. Kasabay noon ay hinakot na namin ang mga ipamimigay naming gamit sa mga bata roon. Dahil masyadong mabigat ang kariton na pinaglagyan ng mga gamit ay kailangan pang itulak ng limang tao. Naglakad kami at ramdam namin yung ngiti ng pananabik mula sa mga mamamayan doon hanggang sa narating na namin ang isang paaralan.

Pagpasok namin sa isang paaralan, kita namin ang mga bata’t magulang. Marami sila – sindami ng buhangin sa dagat, tama nga! Akmang-akma sa pangalan ng lugar nila. Sobrang dami ng mabibigyan ng biyaya mula sa Panginoon. At siyempre, hindi kami nagdalawang isip na tulungan sila mula sa paglalaro, pagkukuwento, at pamimigay sa kanila ng pagkain.

Habang umuusad yung programa ay may lumapit sa akin na kasamahan ko sabi niya “Teddy, paki-assist naman yung mga bata roon. Magbantay ka.” Hawak namin yung mga bata na nasa una’t ikalawang baitang. Ito yung masasabi kong sagot ng Panginoon sa dasal ko noon na sana may magawa naman ako sa lugar na iyon, Masaya ako kahit papaano dahil paraan ko na rin ito upang maging mapagmahal sa mga bata kahit sabihin mong nuknukan sila ng kulit.

At ang mas nakamamangha roon ay kaming mga pumunta roon. Bakit? Dahil yung mga suweldo namin, sa halip na gastusin sa ibang bagay ay inilaan na lang namin pambili ng gamit sa mga bata roon. May paninnindigan din kami sa aming mga sarili na kapag biyaya mo, ibahagi sa iba. Inuuna ang pangangailangan ng iba kaysa sa sarili sapagkat mabuti ito sa Kaniyang mga mata. Mas maraming binahaginan, mas maraming pagpapalang matatanggap.

 

Ikaw ay Ako Rin, Ako ay Ikaw Rin

Nababalutan ng karimlan ang kuwarto ni G. Acot nang makita ni Jerry. Medyo may ingay ng musika sa loob katya naman minsan hindi kami nagkakaintindihan ng aking kumpare. Sa kasagsagan ng aking pagtitimpla sa kape para sa aming dalubguro, nagulatkaming bigla.

“Naku, Lance, si sir!” Sigaw ni Jerry.

“O bakit?”

Nagtatakbo kamipatungo sa kuwarto ng aming dalubguro. Naulinigan niya ang isang malakas na pagkabasag ng salamin. Sa aming pagpasok ay nanlaki na lang ang aming mga mata.

oOo

Matunog ang pangalan ni G. Acot sa aming unibersidad. Hindi lang siya basta pangulo kundi komisyoner. Propesor namin siya sa Philosophy, guro din ng kaibigan kong si Jerry. Ako naman ay matagal ko nang idolo si G. Acot high school pa lamang. Kilala rin kasi siya bilang idolo ng kabataan, people’s commisioner sabi nga ng mga kamag-aral ko.

May asawa’t anak si G. Acot. Bukod sa pagiging guro ay isa siyang sikat na musikero’t manunulat. Napamahal ng mga tao dahil sa karisma niya. Hindi matatawaran ang kaniyang kabutihan at kasipagan sa tungkulin. Aktibo rin siya sa mga gawain sa simbahan, patunay na kasapi ng charismatic group. Marami nang mga problema ng mga mag-aaral ang kaniyang nasolusyonan at marami siyang nakakasalamuhang mga tao.

Tahimik ang aming dalubguro. Nagiging maingay lang siya kapag nagtuturo sa klase. Hindi siya mahilig magpatawa ngunit tagos sa aming puso ang kaniyang mga itinuturo. Balita rin kasi na marami ring mga mag-aaral ang nabago ang pananaw sa buhay dahil sa kaniya, at isa na ako doon. Payat, medyo hindi maayos ang pananamit, medyo magulo ang buhok, at laging suplado. Lagi akong iniiwasan ng mga tao, sa katunayan nga, kapag umuupo ako sa katapat ng sinoman ay agad silang umaalis. Pakiramdam ko ay isang mahirap na sinuwerte lang na makapag-aral sa unibersidad. Hindi ako sikat kahit masipag akong mag-aral ayon sa mga dalubguro ko. Kailangan kong malaman ang dahilan kung bakit ganito ako. Di ko rin namang ginustong maging ganito. Mabuti na lang at lumapit sa akin si G. Acot nang nakita niya akong nag-iisa sa kantina.

Siyempre natakot ako kasi siya ay pangulo, dalubguro, at komisyoner. Pero sinalubungan niya ako ng ngiti kasama ang kaniyang student assistant — si Jerry na matalik kong kaibigan.

“O Lance, mukhang malungkot ka diyan ah.”  Sabi ni sir.

“Ay hindi po. Good afternoon po. Nagpapahangin lang.” Tugon ko naman.

“Pero nasa puso mo ang tunay na damdamin mo. Iniiwasan ka ng mga tao no.”

“Oo nga po eh. Hindi ko po maintindihan. Nakakaramdam tuloy ako ng isolation.”

“Huwag ka kasing . Matuto kang nakihalubilo kahit papaano.”

“Pero sir, ilang ulit na po akong nakikihalubilo walang kumakaibigan sa akin. At saka ilang ulit na akong trinaydor ng mga dati kong kaibigan. Ayoko nang maulit ang mga nangyari.”

“Ganun ba? Naiintindihan kita. Siguro ay gusto mo lang maging maingat sa tao. Ganito na lang, may pag-asa pa para ayusin ang sarili mo, ang pananamit mo, ang kinikilos mo, lahat ng iyan, kahit ang mga sinabi ko ay subukan mong baguhin.”

Patuloy ang mga pangaral ni G. Acot sa akin. Naramdaman niya na hindi ako kumbinsido sa kaniyang mga sinasabi, kaya naman dinamayan ako ni Jerry. Miyembro ng charismatic group si Jerry at gusto niya aking tulungan. Alam ni G. Acot kung ano ang tunay na dahilan ng aking pagkabalisa. Sa mga sumunod na araw ay nagawa ng aking propesor na pataasin ang aking confidence. Naging katuwang naman si Jerry sa paghahanap sa magiging gf ko eh matagal ko nang ipinangarap ito pero ang lahat ng mga iyon ay binasted ako. Lagi akong napanghihinaan ng loob pero ang sabi lang sa akin ni G. Acot ay magtiwala lang ako sa Itaas.

Simula noon ay naging sandigan ko na si G. Acot sa aking mga problema. Ang isa nga rito ay noong summer class namin ng mga kamag-aral ko at napag-initan ako ng isang lalaking tagatuos dahil sa hindi mabayarang matrikula. Mahinahon naman akong sumagot pero lagi akong tinataasan ng boses pero nasermunan kalaunan ni G. Acot hindi lang ang nasabing tagatuos kundi ang lahat ng kawani ng Accounting department. Agad nagbitiw sa puwesto ang nasabing lalaki pati ang ilang empleyado nito dahil sa takot at kahihiyaan.

Mayroon pa nga na kung saan pinagbibintangan ako ng puno ng OSA na nagnakaw ako ng smartphone. Sumugod ang aking ina at nang malaman ito ni G. Acot na walang mailabas na bidyo na ako nga ang kumuha ay sinuspinde ng isang linggo ang nasabing puno dahil sa pagbibintang.

Nasaksihan ko rin si G. Acot na laging sinesermunan ang mga estudyanteng hindi sumusunod sa mga patakarang pampamantasan samantalang ang mga propesor, empleyado at kahit mga security guard kung hindi sermon ay tanggal sa serbisyo. Galit na galit siya sa mga taong ginagamit ang kapangyarihan upang manamantala ng kahinaan ng tao lalo na sa mga mahihirap,mga mag-aaral na sinasamantala ang kahinaan ng mga kamag-aral o hindi sumusunod sa mga patakaran. Agad silang pinapatawan ng parusa o tuluyang pagpapatalsik. Ganiyan kalupit si G. Acot bilang pangulo.

Nakasama namin siya sa outreach sa isang ampunan. Inisa-isang niyakap ni G. Acot ang mga kabataan. Marami ang nais makalapit sa komisyoner, pinababayaang lumapit ang mga bata sa kaniya. Hinamon pa nga kaming mga mag-aaral na magmalasakit sa kanila. Eh ako siyempre, kailangan kong gawin ito kahit medyo napilitan lang ako ni Jerry, pero kalaunan ay nagustuhan ko rin ang pakikihalubilo sa mga bata. Habang nanananghalian kami kasama ng mga piling bata ay palaging nakikipagbiruan ang dalubguro. Kapag may isang bata nga na nalulungkot ay agad niya itong nilalapitan. Iba ang karisma ni G. Acot dahil sa mukha pa lang niya ay napapanatag ang loob ng sinomang makakadaupang palad niya. Kaya kahit sa labas ay inaabangan siya ng mga kabataang estudyante at nakikipagkamay sa kaniya. Parang poon na nga kung ituring si G. Acot, dinaig pa niya ang pangulo ng Pilipinas

Sa kantina kasama ng mga kapwa ko kamag-aral, nasaksihan ni Jerry ang pagiging pangkaraniwang tao ni G. Acot kahit CHED commisioner siya. Bukas siya sa hinaing ng mga kabataang aktibista. Binuksan ang kaniyang tanggapan para sa sinomang magbubulalas ng reklamo. May mga kapwa opisyal nga na pumipigil sa mga nasabing kabataan na lumapit sa kaniya pero sinermunan sila nito. Ayaw niyang maging parang pangulo ng Pilipinas na guwardiyado at pinalalayo sa tao. Nais niyang makasalamuha ang mga ito — gusto man o ayaw sa kaniya. Marami na ring mga batas ang kaniyang nirepaso at ibinasura. Isang táong may pagmamalasakit sa sariling wika. Maraming mga guro at mga matataas na opisyal sa edukasyon ang kaniyang sinibak sa puwesto. Kilabot ng mga nananamantala si G. Acot. Kinasusuklaman ng mga abusado sa kapangyarihan at isinusumpa ng mga kontrapelo.

Kahit nga rito sa loob ng pamantasan ay may nagbabalak daw na patalsikin si G. Acot dahil sa hindi raw pantay-pantay na pagtrato sa mga empleyado. Bagama’t idolo raw ng mga kabataan ay hindi pa rin sila bilib sa kaniyang kabutihan dahil ayon sa kanila ay namimili raw ito ng tao. Parang ito rin yata ang kinaugalian ko. Sa katunayan ay marami rin akong natulungang mga kamag-aral na nagpapaturo sa akin ng mga aralin at mga batang lansangang binibigyan ng pagkain. Maalaga rin ako sa pamilya, subalit ayon sa ilan, ako raw ay palaiwas. Mayroon ngang isang kamag-aral na binu-bully ako na gusto na niyang humingi ng tawad sa akin pero hindi ko siya pinagbigyan. Hindi sa dahil ayaw ko talaga kundi natatakot lang akong maulit muli ang mga di dapat maulit. Yung mga dating hindi tumulong sa akin nang nagkasakit ang aking ama na sila naman ang lumalapit ay iniiwasan ko. Masama lang ang loob ko, kahit anong pilit ay hindi talaga maialis.

Ang plano sanang pagpapatalsik kay G. Acot ay hindi nagtagumpay dahil pumabor ang lahat ng mga kabataan at piling mahihirap na pamilya sa kaniya. Kahit sa aming pamantasan ay walang pagpapatalsik na naganap. Kaya nagsialisan na talaga ang mga naglilingkod sa kaniya, nagsipagbitiw sa puwesto. Sa basa ni Jerry, dalawa si G. Acot — isang mabuti at masama, ngunit sa dalawang iyon ay mas nanaig ang mabuti. Di na nakapagtataka kung bakit isang dekada na siyang komisyoner at pangulo ng pamantasan.

Noong isang hapon ay pumunta kami sa kaniyang bahay para magpatulong. Tagapayo namin siya ng ginagawa naming pananaliksik. Ang kaniyang bahay ay napapaligiran ng mga luntiang damo. Puti ang kulay ng tatlong palapag niyang bahay. Pagpasok sa loob ay puro retrato ng mga kalsikong musikero: Sina Mozart, Beethoven, Wagner, Vivaldi… lahat ng mga musicians. Malaki ang espasyo ng kanilang unang palapag na may grand piano sa gitna. Nandoon din ang koleksyon ng mga plaka’t cd na kinolekta niya noong siya ay bata pa lang, isang gitara, at harpa — mga patunay na musikero rin si G. Acot.

Sa ikalawang palapag naman ay ang sala. Doon sana kami gagawa pero bawal daw sabi ni G. Acot. Nakasalamuha namin ang kaniyang asawa’t anak niyang lalaking sampung taong gulang. Napakatahimik ng pamilya kapag kakain na sila ng hapunan. Pagkatapos noon ay nagkukuwentuhan sila ng mga bagay-bagay. Palaging inaalagaan ni G. Acot ang mag-ina. Kapag may kailangan ang isa sa kanila ay agad niya itong tinutugunan at kapag siya naman ay tinutulungan din siya nito.

Dumating na kami sa ikatlong palapag na kung saan bakante rin at walang ibang makikita kundi isang pintuan. Kuwarto na ito ng pamilya. Nagtataka kami kung bakit ang laki ng bahay ngunit ang daming espasyo. Nanalinghaga ang aming dalubguro. Sariling pasya na niya ito. Kasi raw ang espasyo ay kalayaan na rin ng tao. Malayang makakagalaw ang kaniyang pamilya lalo na sa kaniya.  Pumasok kami sa kuwartong iyon at sa loob ay makikita ang di mabilang na mga tropeo’t medalya. May malaking aklatan sa gawing kanan ng kaniyang tulugan. Isang upuan at munting mesa. Nakabibingi ang katahimikan sa paligid. Mula sa kuwarto niya ay tanaw ang napakaraming ilaw ng mga katapat na gusali.

Sinimulan na ng G. Acot na iwasto ang mga mali sa aming thesis habang kami naman ni Jerry ay nakatayo lamang sa tabi ng dalubguro. Sa kaniyang pagwawasto ng aming thesis ay nagsimula na siyang magkuwento ng pinaghuhugutan ng kaniyang kabutihan at kalupitan.

Lumaki sa simpleng pamilya si G. Acot. Mahirap sila noon at nagtitinda lang ng prutas sa pamilihan ang kaniyang mga magulang. Punung-puno ng mga pangarap sa buhay si G. Acot ngunit binabakod naman ito ng kaniyang mga magulang at kamag-anak dahil mahirap lang sila. Kahit napakagaling niya sa musika ay hindi siya pinapayagang sumali sa banda dahil laging nag-aalala ang kaniyang ina, ikinasama na niya ito ng loob. Hanggang sa nagkasakit ang kaniyang ama ay dito niya  na napagtanto ang lahat na lumaki siya sa hirap na walang kalayaan sa sarili. Hindi ito naramdaman ni G. Acot noong bata pa siya ngunit habang nagkakaisip at lumalawak ang kaisipan ay batid niyang binabakod ang kaniyang mga mithiin sa mundo, ang nais kasi ng mga magulang niya ay nakatuon lamang sa academics.

Nang pumanaw ang kaniyang ama ay napag-isipan na niyang maging malaya at magtuon sa mga mithiin ngunit nasa poder pa rin siya ng kaniyang inang mahilig pumigil sa mga ninanais nito. Musiko, pagbebenta at kahit pakikibahagi sa volunteer groups ay binabawalan siya ng kaniyang ina dahil nagbibilang ng poste noon si G. Acot. Nakapanghihina rin sa kaniya ang madalas na pagrereklamo at pagiging mainitin ang ulo ng kaniyang ina at kapatid. Gustomg baguhin ni G. Acot ito ngunit masaya ang mag-ina sa kanilang ugali. Hanggang sa nagkaroon na siya ng trabaho at pagkakaroon ng iniibig ay kailangan pa ng konsultasyon sa kaniyang ina. Maganda sana para sa kaniya ang mga ganito ngunit sa tingin niya ay tila muling binabakod ang mga ninanais niya gayong nasa hustong gulang na siya — dahilan upang magkaroon ng matinding hidwaan sa kanilang pamilya at napagpasiyahang magpakalayo.

Hindi lang sigalot sa iisang bubong ang naranasan ng aming dalubguro, kahit sa kaniyang mga kasamahan ay napahamak na rin siya. Maraming mga dating kaibigan ang nangagtaksil sa kaniya at gumawa ng mga kasalanan dahil lamang sa inggit. Lubos na nasasaktan si G. Acot kapag mayroong naninibugho sa kaniyang karunungan kaya naman lumayo na siya sa mga kaibigan kahit pinatawad na niya ito dahil sa takot na maulit itong muli.

Nagbunga naman daw ng pagiging mapag-isa ni G. Acot at sumunod sa dinadamdam ng puso, isa iniisip ng kamalayan, at sa kaloob ng Diyos sapagkat naging kasapi na siya ng isang bantog na banda, nakapagsulat ng maraming libro, naging asawa na niya ang kaniyang napusuang babae, at nakatulong siya sa mga tao nang walang pag-aalinlangan. Natutuwa siya sa kaniyang sarili dahil nagawa niyang magtagumpay nang walang mga taong nagbabalak sa kaniya upang ihayag ang kasamaan sa likod ng kabutihang ginagawa niya. Patuloy siyang positibo sa mga layunin niya sa buhay. Natupad ang kaniyang pangakong hindi siya matutulad sa kaniyang mga magulang na mahilig magbulalas ng mga negatibo sa buhay, pilit pinapasan ang sariling mundo, mahilig magpakulo ng sariling dugo, matigas ang puso, at mahilig tumanaw ng pag-aalinlangan. Nais niyang maging mabuting nilalang upang takasan ang mga masasamang alaalang di na dapat balikan at tularan pa. Nais niyang maging mabuting nilalang upang makaiwas sa kawalan ng pag-asang ginagawa ng kaniyang mga magulang at kamag-anak. Nais niyang maging mabuting nilalang upang hindi matulad sa mga taong nagkasala sa kaniya.

Ngunit sa haba ng taon ng kaniyang pamamayagpag sa mundo ay bigla na lamang siyang naluha. Nabalitaan na lamang niya mula sa kaniyang kapatid na malubha ang sakit ng kaniyang ina. Humiling sila na pumunta siya upang humingi ng kapatawaran ngunit hindi siya dumating dahil sa sama ng loob kaya naman namatay na ang kaniyang ina dahil sa sakit at labis na pagsisisi samantalang nalugmok sa kahirapan ang kaniyang kapatid. Nadala si G. Acot ng matinding emosyon. Ibinalik na naman sa kaniya ang mga masasamang alaala kaya nanaig ang galit sa puso. Nang maliwanagan siya ng mga kasamahan niyang guro sa pamantasan ay labis na rin ang pagsisisi ni G. Acot. Gustuhin man sanang mapatawad ang kaniyang pamilya ngunit sila ang nagsimula ng masamang ehemplo sa kaniya at nagbigay ng limitasyon na kumawala sa kinagisnang pamumuhay at pag-iisip.

Sa labis na kalungkutan ay natumbang bigla si G. Acot mula sa kaniyang kinauupuan. Inalalayan namin ni Jerry ang dalubguro, wala naman kaming nagawa kundi tumahimik. Napasuntok na lamang si G. Acot sa sahig, nagwawala’t nagpupumiglas na makalabas sa kaniyang silid ngunit pinakalma namin siya kasama ng kaniyang asawa’t anak. Walang nagawa si G. Acot kundi lumuha, ang lumuhang dahil sa ayaw na siyang tantanan ng mga masasamang alaala’t ugali.

Napaisip ko sa aking sarili na siya ay tila ako rin. Magkatulad kami ng karanasang ako ay hindi bantog sa paningin ng mga tao kahit hawak ko ang mga natatangi kong galing. Mula sa aming dalubguro binitawan ang “Ikaw ay ako rin. Ako ay ikaw rin.” Baka may posibilidad na matulad ako sa kaniya ngunit agad ko itong pinangunahan na hindi ito mangyayari. Naniniwala akong ang tao ay kayang magbago kung nanaisin talaga. Matapos noon ay pinapahinga muna si G. Acot.

Naghanda naman ng makakain ang kaniyang asawa. Si G. Acot daw mismo ang nag-isip ng konsepto ng kanilang bahay. Sinadya talagang maging malaki ang espasyo ng bahay nila dahil ito ang gusto ng dalubguro, isang mundong kung saan ang tao ay malaya nang kumilos, mag-isip, at gawin ang nais gawin nang walang bumabalakid sa kaniya. Nagpapakabingi si G. Acot sa mga salita ng kawalang pag-asa dahil ayaw na niyang maranasan ito.

Nasa kusina kaming tatlo. Napatingin si Jerry sa kuwarto ng dalubguro. Nababalutan ng karimlan ang kuwarto ni G. Acot nang makita ni Jerry. Medyo may ingay ng musika sa loob kaya naman minsan hindi kami nagkakaintindihan ng aking kumpare. Sa kasagsagan ng aking pagtitimpla sa kape para sa aming dalubguro ay nagulat kaming bigla.

“Naku, Lance, si sir!” Sigaw ni Jerry.

“O bakit?”

Nagtatakbo ako patungo sa kuwarto ng aming dalubguro. Naulinigan niya ang isang malakas na pagkabasag ng salamin. Sa aming pagpasok ay nanlaki na lang ang aming mga mata. Isang malagim na sigaw ang nagpabingi sa amin mula sa kaniyang asawa. Tumalon si G. Acot. Isang mabuting taong mayroon palang misyong hindi pa niya natatapos at iyon ay matatagpuan sa kabilang buhay kasama ng kaniyang pamilya.

Bruan

Kauuwi ko pa lang galing sa paaralan at agad na akong naghanda ng mga damit at gamot para bisitahin si Bruan. Nakasalubong ko ang kaniyanhg ina at tinulungan akong dalhin ang mga kakailanganing damit patungo sa kaniyang pahingahan.

Ganun pa rin ang kalagayan ng kalusugan ni Bruan pagpasok ko; nakaratay sa kaniyang kama, may mga aparato sa kaniyang kanang braso, bakat na bakat ang kaniyang kalansay, at Biyernes Santo ang mukha. Nanghihina ako sa tuwing nakikita ko siya sa ganoong kalagayan. Mas malungkot pa kaysa sa aming tahanan ang isang munting kuwartong tumitingkad sa puting kulay. Idinagdag pa sa kinang ng kuwarto ang kaunting sinag ng araw. Isang maliit na krus ang nakasabit sa uluhan ni Bruan. Punung-puno ng mga gamot at bukod tanging ingay ng aparatong bumibingi sa katahimikan nito. Sa kaniyang kinalalagyan ay tila kukunin na siya ng langit, ngunit ayokong isipin ang bagay na ito.

Nakakapagsalita pa nang maayos si Bruan, hindi nga lang siya makagalaw dahil sa labis na kapayatan gawa ng kanser sa bituka. Sa mga oras na iyon, wala na siyang ibang hahanapin pa kundi ang makasama ang kaniyang pamilya at ako. Sa ganoong kalagayan ay nakakpagkuwento pa rin siya ng mga alaala noong siya ay malakas pa.

Kahihiwalay ko pa noon sa dati kong kinakasama dahil sa kaniyang ikalawa. Sa labis na galit ay pareho ko silang sinapak noong nahuli ko silang nagtutukaan. Sinira niya ang tatlong taong pagsasama namin bilang magkasintahan,bagay na hindi ko matanggap nang lubusan. Balita ko nga ay lumipad na palayo ng bansa ang kaniyang sulutera samantalang nagpatiwakal naman ang dati kong kasintahan. Bago pa man ay isinumpa niya ang pangalan kong Luisa sapagkat ako ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng comatose sa aking binigay na suntok.

Ipinagbigay-alam ko naman ito sa aking ina. Hindi ko naman ginustong mangyaring saktan sila ngunit dahil sa labis na emosyon ay nagkaroon ako ng pagkakasala sa kapwa, isang hindi makontrol na galit na aking kinumpisal sa pari.

Upang mawala ang galit sa nakaraan ay nagtungo ako sa aking paboritong lugar sa liwasan — ang butterfly sanctuary. Malapit lang ang liwasan sa aming bahay kaya pwede nang lakarin. Nahihimasmasan ang aking puso kapag nakikita ko ang mga bagong sibol na bulaklak, malulusog na halaman at naggagandahang paruparo. Madali akong lapitan ng mga paruparo, medyo pinagpapawisan ako kasi baka makagat ako nito pero natutuwa naman sa kakulayan nila.

“Mahilig ka pala sa mga paruparo.” Tinig ng isang binata. Nagulat ako sa aking nakita, si Bruan na matalik kong kaibigan sa college ay dito pala nagtatrabaho sa liwasan bilang caretakter ng sanktuwaryo. Kilala ko siya bilang pangkaraniwan ngunit napakasipag na tao, anak-mahirap ngunit nagtitiyagang makapag-ipon para sa sarili sa pamamagitan ng pagtatrabaho niya rito.

Kapag magkasama kami ay lagi siyang nakasimangot. Laging  nasa silid-aklatan at nagbabasa ng mga libro doon. Sobrang seryoso siya sa kaniyang mga pangarap sa buhay, walang masyadong arte sa katawan, hindi rin siya masyadong sumusunod sa uso.  Gayunpaman, ayon sa mga kamag-aral niya, siya ang tipo ng taong hindi ka niya iiwanan talaga sa ere, may malasakit sa kapwa estudyanteng mahihirap din, isang tunay na kaibigan si Bruan, laging nagpapakababa sa lahat ng bagay at saka marunong naman siyang makisama sa mga tunay rin niyang kaibigan.

Hindi ko nga aakalaing ako ang magiging pinakamalapit sa kaniya. Lagi niya akong tine-text kapag may mga gawain sa school. Kahit dean’s lister ay humihingi pa rin siya ng tulong sa akin. Kahit sa laban niya sa banda at volleyball ay lagi niya akong iniimbitahan para sumuporta. Hanga ang mga kaibigan ko kay Bruan kasi siya yung taong nauunawaan ang damdamin ng iba, palakuwento rin.

Kaya naman sinabi ko sa kaniya ang naramdaman ko sa nakaraan noong nakita niya akong umiiyak sa ilalim ng puno ng mangga. Seryoso ang mukha niya ngunit makikita mong siya ay bukas sa anumang nararamdaman ng tao kaya ibinulalas ko ito sa kaniya. Di ko na mapigilang maging emosyonal noon, sayang kasi ang tatlong taong pagsasama namin ng dating nobyo. Pero alam mo, pinagpilian lang ako ni Bruan kung 3 years o rest of your life. Nagpaliguy-ligoy pa ako siyempre pero ganun pa rin ang itinatanong niya. Hindi raw siya marunong magpayo sa pag-ibig ngunit ibibigay niya ang pakikiramay sa aking kalungkutan. Pumayag siyang isandal ang aking ulo sa kaniyang balikat. Mabuti pa si Bruan, hindi siya guwapo pero sobrang maunawain niya. Hindi man lang siya nagagalit kundi payapa lamang ang kaniyang damdamin. Sinermunan pa nga niya ako eh matapos kong sabihing ako ay tanga. Buti ay alam ko raw sabi niya. Maging aral daw sa akin ang nangyari kasi nakakamangmang talaga ang pag-ibig.

Nalaman ko pala mula sa kaniya na ayaw niyang marinig ang mga paksa tungkol sa pag-ibig. Naaasiwa siya sa mga kanta ng pag-ibig na paulit-ulit na lang ang sinasabi. Malas daw para sa kaniya ang Pebrero kasi buwan ng mga magkasintahan iyon. Hindi niya lubos maisip kung bakit kailangan pang isapubliko ang kuwento ng pag-iibigan ng mga nagmamahalan eh mas masahol pa nga ito kaysa sa mga nangyayari sa bansa natin. Ang sasabihin ko sana ay bitter ka lang pero pinangunahan na niya ako.

Ayon sa kaniya, Ang mga taong magsasabing bitter ay yaong mga taong hindi marunong umunawa sa nararamdaman ng iba. Mga taong sarado ang puso’t isipan upang makabatid sa dinaramdam ng tao. Hindi sila bukas para sa pagbibigay ng payo upang magkaroon ng lakas ng loob ang tao. Kung tutuusin ay walang magandang maitutulong ang pahayag na “bitter ka lang” lalo lang kasi sasama ang loob ng taong magsasabi nito.

Hindi ko na sinabi ang sana’y tugon ko dahil sa pilosopiyang iyon, bagkus ay nauunawaan ko na siya. Kaya pala sinabi iyon kasi wala pa siyang girlfriend. Nanliligaw rin siya dati sa mga napupusuan niyang babae pero ni isa man doon ay hindi sumagot sa kaniya, laging basted si Bruan. Gayunpaman ay bukas pa rin ang kaniyang puso para dito, hindi pa rin siya susuko. 20 taong gulang na si Bruan samantalang 18 taong gulang naman ako. Pareho kaming 2nd year college ng Journalism. Ngayon ay alam ko na ang dahilan kung bakit pinakaseryoso sa lahat ng mga nakilala ko si Bruan.

Hindi ko maiwasang i-text siya para lang bumati. Hindi naman siya nagalit, sa katunayan nga ay may smiley sa kaniyang mga mensahe. Kung minsan ay napapasabay ako ng uwi sa kaniya, maginoo pa rin siya sa akin. Kahit papaano ay nakakangiti siya kapag ako ang kaniyang kausap. Siyempre, kailangan lagi akong nakangiti sa kaniya sapagkat matagal kaming matalik na kaibigan ni Bruan noong sekondarya pa. Ang daming mga kalalakihang nagkakagusto at nanliligaw sa akin pero tila si Bruan ang lagi kong kausap. Siya ang tinatakbuhan ko kapag may problema ako, siyempre gayundin siya.

May mga pagkakataong ako’y naghihinala kay Bruan. Nakakahalata rin ako sa kaniya nang minsang nagyaya siya sa isang valentines bonding.

“Ahm, Luisa, pwede ba akong humingi ng pabor?” Tanong ni Bruan.

“Anio iyon?”

“Kasi mayroong valentines party sa liwasan eh nais ko sanang yayain ka para doon. Ok lang ba?”

“Talaga? eh baka hindi eh. Hindi pa ako nakaka-move on.”

“Huwag kang mag-alala. Gagawa ako ng paraan. Ako ang bahala sa iyo.”

Hindi ko aakalaing ang isang tila masungit na si Bruan ay may kakayahan palang makipag-date. Hindi pa nawawala ang sawi kong pag-ibig noon pero bakit hindi ko naman pagbibigyan si Bruan, malay ko ay mapawi rin ang dinadala ko kahit papaano.

Linggo noon at walang masyadong ginagawa. Kabisado ko na ang liwasan pero ayon kay Bruan, hindi pa raw ako nakakasakay sa tren nito kaya naman sumakay kami roon. Tahimik lang si Bruan habang ako ay nagkukuwento, sumasagot naman siya kapag tinatanong ko, nakikinig talaga siya sa aking mga sinasabi. May dala siyang gitara at saka kinantahan ako habang sakay ng tren. Magkahalong kilig at lungkot ang namayani sa aking puso. Ginagawa ni Bruan ito hindi dahil sa nililigawan ako kundi maranasan niya na kantahan ang babae na kung saan nabigo siya ng maraming beses. Nagtungo na kami sa sanktuwaryo ng mga paruparo. Inisa-isa niyang itinuro ang mga paruparong dumadapo sa mga bulaklak. Nawiwili si Bruan sa sanktuwaryong ito kasi mahilig siya sa mga halamanan at paruparo. Makikita ko sa kaniya ang pagmamalasakit niya sa kalikasan. Nanalinghagang bigla si Bruan, ang sabi niya: “Ang halamanan ay punung-puno ng kagandahan — mga bulaklak na nagsisibulan at mga nagliliparang paruparo. Iba’t iba ang kulay na nagpapaamo sa aking kapaitan. Ang daming pagpipilian, magaganda ngunit isa lang talaga ang dapat mangibabaw. Parang ako, hinahanap ko pa ang napakabangong bulaklak o di kaya’y makulay na paruparo para sa akin.”

“Gutom ka na  ba?” Biro kong sabi.

“Hindi mo naintindihan ang sinabi ko? Ang paghahanap ko sa aking mapupusuan ay tulad ng isang bulaklak na.maganda na, mabango pa. Diyos na ang pipili ng para sa akin, kumbaga, siya ang punong hardinero ko.”

“Eh. Kung ganon, pati sa paruparo?”

“Mensahero sa akin ang mga paruparo, tinatanggap ko ang kahit anong mensahe nila. Makulay man o itim ay parehong nagpapahiwatig para sa akin kung dumating na ba siya o hindi. Ayun.”

“Eh kung ganon, bakit mo ako dinala rito?”

“Nararamdaman ko kasi sa iyo na naghahanap ka rin ng panibagong pag-ibig. Kahit hindi mo sabihin sa akin ang totoo ay nababasa ko naman ang puso mo, ipanalangin mo ito sa Diyos.”

Hindi ko aakalaing mahuhulaan din niya ang tunay kong nararamdaman. Hindi ko aakalaing mataas ang pananagalog ni Bruan. Alam ko na agad kung ano ang layunin niya na nagkataong ako ay gayundin ang aking layunin.

Tumagal ang pagsasama mamin bilang magkaibigan hanggang sa noong foundation day ng aming paaralan, inilabas ko na ang nararamdaman ko kay Bruan. Pinatunayan niya na isa siyang mabuting tao, sa mga nagdaang panahon ay lagi niya akong sinusuportahan sa mga layunin ko sa buhay. Hindi ito isang pagbabalatkayo o isang hindi maintindihang pangyayari kundi isang totoong silakbo ng puso. Isang malakas na “Gusto Kita” ang lumabas sa aking bibig. Aminado akong may kabang nararamdaman ngunit kung hindi man papayag si Bruan ay handa ko itong tanggapin kahit masakit na masakit.

Maamo ang tingin niya sa akin at hinawakan niya ang aking mukha. Ang inaasahan ko ay magugulat o magagalit siya sa akin ngunit ngumiti siya.

“Di ba dapat ako ang magsasabi niyan? Can we rewind?”

Natawa na lamang ako sa sinabi niya. Sinasabi ko na nga ba. Matigas sa labas si Bruan ngunit may malambot din palang kalooban na tila kokompleto sa kaniyang kapaitan. Sinasabi ko na nga ba, kahit siya ay may gusto sa akin. Muli niyang tinanong ang aking tanong sa kaniya. Umamin na si Bruan na may gusto rin pala siya sa akin noon pa man, pinipigil man niya ito. Ganap na ang pagkatuwa sa aking puso, muli kong binuksan ang aking sarili para sa panibagong katuwang sa aking buhay. Hindi nagtagal ay naging katipan ko na si Bruan.

oOo

Naiiba si Bruan sa tipikal na mangingibig. Halos malaking bahagi sa kaniyang pagkatao ay pormal ang kaniyang kinikilos. Sa pananamit halimbawa, hindi siya gaanong marunong magdala kahit magaganda ang mga damit nito, nasanay kasi siyang nagmamadali kaya kailangan pa siyang turuan ng kaniyang ina. Humihiwalay sa mga kamag-aral niya kasi ayaw niya ng masyadong naiimpluwensiyahan. Hindi ako nag-aalala sa kaniya kasi naintindihan naman ito ng mga kaibigan ko.

Isa siyang binatang nalikihalubilo sa tao kung kailan niya gusto. Sa mga pangkaraniwang araw ay lagi ko siyang kasama sa pagpasok at sa pag-uwi ng paaralan. Minsan nga ay medyo nagagalit sa akin dahil ayaw niyang magambal ang kaniyang pag-aaral. Napakaaga kung pumasok si Bruan, aklatan ang una niyang binibisita upang magbasa ng diyaryo. Sa lahat ng oras ay seryoso pa rin siya kaya naman lagi akong narito upang patawanin ang binata kahit papaano,si Bruan ay gayundin naman. Di gaya ng mga lalaki na bulaklak ang ibinibigay sa babae, si Bruan ay nagbibigay ng isang bouquet ng pagkain dahil ayon sa kaniya, mas mabubusog pa ang magkasintahan sa pagkain kaysa sa bulaklak na hindi naman kinakain at ang mas nakakainis pa raw ay pinalalanta lang ng babae, hindi naman inaalagaan.

Noong namamasyal din kami sa liwasan ay nakasalubong namin  ang magkasintahang sina Mel at Cynthia. Abut-abot ang pagbati nila sa akin kasi may boyfriend na ako. Napapansin ni Bruan ang iba pang magkasintahan na parang ipinagsisigawan nilang sila na. Nakita niya ang tshirt ng kamag-aral namin.

“O Pareng Bruan, ito pala ang t-shirt namin ni Cynthia. Ok ba?” Tanong ni Mel.

“Wow, ayos ah. Sana mayroon din kami  niyan, diba Bruan? Tugon ko naman.

“Ano ba iyan, pati pa naman pagmamahalan ay ginagawa nang publiko? Alma naman ni Bruan.

“Ano ka ba Bruan? Kaya mayroon kaming ganito kasi proud ako na bf ko si Mel. It is okay to express yourself.” Sabi naman ni Cynthia.

“Kahit na. Gusto niyo lang painggitin ang mga tao. Ipinagmamayabang ninyo iyan eh aksaya iyan sa pera ninyo. Alam niyo, ginagamit din yung social media para magyabang lang ang mga magkasintahan na married na sila. Masyadong OA din ang mga sinasabi sa mga kasintahan nila. Yung  you are the reason why i live, you are the only one… Ang panget.” Panlalait ni Bruan.

“Ang yabang mo naman Bruan. Eh siyempre proud sila na masaya sila. Parang kami ni Mel, proud kami sa masaya naming relasyon eh ikaw?” Buwelta ni Bruan.

“Pare, wala namang masama kung ipapahayag mo ang damdamin sa iniibig mo. Hindi pagyayabang iyon kundi isang inspirasyon na makagagaan ng loob sa iba pang mga tao lalo na sa mga maghahanap pa lang ng napupusuan.” Mahinahong sabi ni Mel.

“Eh bakit hindi ko feel? Pasensiyahan na lang tayo dahil hindi alo katulad ninyo na nagpapakaalipin lang sa mga nauuso na madali nang malaos. Magkaiba tayo ng pagpapahayag ng damdamin.” Hirit pa ng aking bf

Nagngingitngit na sa galit si Cynthia at akmang susugurin niya si Bruan pero pinigilan naman siya ni Mel. Respeto na lang sa opinyon ni Bruan ayon kay Mel dahil kilala naman niya ito. Nag-sorry ako sa kanilang dalawa.

“Ano ka ba naman Bruan, magkasintahan na nga tayo tapos ganiyan ka pa rin. Hindi iyan ang lalakeng gusto ko.” Sabi ko.

“Bhe, pasensiya ka na ha pero gusto kong maging iba sa mga pangkaraniwan. Gusto kong maipahayag ang damdamin ko sa iyo sa payak na paraan. Kilala mo naman ako diba, hindi umaasa sa pera, pero huwag kang mag-alala, bibili rin tayo ng damit na iyon.”

“Talaga? Eh diba sabi mo…”

“Magtulungan tayong dalawa. Pagsamahin natin ang formal at casual. 50-50 kung gusto mo.”

Inuunawa ko na lang ang pagka-ideyalistiko ni Bruan pagdating sa paghawak ng relasyon. May mga panahong kani-kaniya kami sa pag-uwi sa bahay. Hindi siya gaanong gumagawa ng sorpresa dahil aksaya lang daw iyan sa pera. May mga panahong ayaw rin niya sumama sa paglalakwatsa kasama ang mga kamag-aral ko kasi abala siya sa pag-aaral. Kapag oras na ng klase ay nakatutok talaga siya sa propesor.

Sa kaarawan nga ni Mel, naroon kaming dalawa suot ang binili naming couple shirt, natuwa sila sa amin. Leadista si Bruan sa kanilang banda, iniidolo at nirerespeto ng mga kalalakihan (anak kasi siya ng gurong ama at mamamahayag na ina) kahit ang mga basketball players sa aming kampus ay gusto ring matuto ng gitara sa bf ko. Noong nagpakuha kami ng retrato, isang babae ang nagmungkahi kay Bruan na ngumiti pero tinarayan niya ng “Ito ang gusto ko eh, pakialam mo?” Natulala na naiinis ang babae kaya naman pinagpapasensiyahan namin siya. Kapag kasi nagse-selfie, karamihan sa mga retrato ni Bruan ay seryoso ang mukha, parang mayabang daw ang dating. Sabi nga niya ay saka lang siya ngumingiti o nagwa-wacky post kung kinakailangan talaga o ramdam niya.

Di katulad ng iba, puro rock at classical music lang ang pinapakinggan ni Bruan o di kaya ay random na piling-pili niya. Ayaw niya ng pop music partikular sa mga love songs kasi paulit-ulit na lang daw ang konsepto at nakakasawa nang pakinggan. Avid listener din ng mga kanta ng dekada 50 hanggang 80. Sabi nga ng mga kaibigan ko ay parang matanda na si Bruan pero hindi ko na lang pinapakinggan iyon.

Noong nagkaroon sila ng gig ay isang lalaki ang nagpupumilit sa kaniya na uminom. Sa una ay mahinahon ang kaniyang sagot pero sobrang kulit daw ng lalaki. Dahil doon ay tinapon ni Bruan sa isang halaman ang laman ng shotglass. Sa mata pa lang ni Bruan ay nayabangan na ang lalaki sa kaniya. Susuntukin niya sana si Bruan pero pinigilan niya ito nang isang kamay lang, nakakamangha dahil sa kapayatan niyang iyon ay tila malakas pa rin siya. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa kamao ng lalaki. Sinabi niya na ayaw niya ng gulo. Binitawan na niya ang kamao at namilipit ang malaking mamà sa sakit. Nagsitakbuhan sila dahil sa takot kay Bruan. Siya ang rakistang hindi umiinom. Kaya naman kapag dumadating siya kasama ng banda niya sa mga bar ay panay ang iwas ng mga tao roon sa kaniya dahil sa pangyayaring iyon.

“Teka, bakit sila lumalayo?” Tanong ni Bruan

“Nalaman kasi nila yung nangyari sa lalaking nakaaway mo kaya takot sila sa iyo.” Tugon ko.

“Grabe naman iyon. Sinabihan ko lang naman na ayoko ng gulo eh. Wala namang dahilan para iwasan ako, OA naman nila.”

“Bayaan mo na dre, kami na ang kakausap sa mga nandito.” Sabi naman ni Mel.

Malayung-malayo si Bruan sa dati kong kinakasama, gayunpaman ay makikita ko pa rin ang kabutihan ni Bruan para sa mga kapwa-estudyanteng nahihirapan sa pag-aaral. Hindi siya humorous pero ramdam ko ang paghanga sa kaniya, ramdam ko ang pag-ibig niya mula sa kaniyang puso. Ang inakala tuloy ng ilan ay suplado at mahirap lapitan si Bruan ngunit kapag nakilala mo nang matagal, siya ang tipo ng taong hindi ka iiwanan sa ere, ang lalakeng palaging nagpapaabot ng suporta, isang taong may takot sa Diyos. Isang mapagmahal na taong naiintindihan ang aking nadarama. Agad niyang pinapalitan ang mga masasamang pangyayari sa mabubuti. Sa kabila ng pagiging pormal niya at labis na pagseseryoso sa mga pangarap sa buhay ay nagagawa rin niyang ngumit kahit papaano. Sinisiguro niyang pantay ang makabago sa tradisyonal na paraan ng pagsasambit ng pag-ibig.

Isang nakakagulat nga lang na pangyayaring hindi sinabi sa akin ni Bruan. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon ko kapag nalamanhg siya ay mabigat na pinagdadaanan. Habang namamasyal kami at ng pamilya niya sa mall ay bigla na lamang nahilo si Bruan; hindi na maidilat nang maayos ang kaniyang mga mata, iniinda niya ang sakit sa kalamnan, at halos hindi na makalakad nang maayos hanggang sa bumagsak na siya.

Ilang araw nang nakaratay si Bruan sa ospital. Hindi na nga namin alam kung saan kami kukuha ng salapi para lamang dugtungan pa siya ng buhay. Naitanong ko sa kaniya kung bakit hindi sinabi sa akin ang kaniyang pakikipagbuno ngayon sa kaniyang sarili. Hindi duwag si Bruan para itago ang lihim na ito, iniisip kasi niya na mahirap ang kanilang pamilya. Iniinda naman niya ito ngunit nahihiya siyang sabihin ito dahil baka magreklamo ang kaniyang ina na walang perang pampagamot, may kaunting pagtatampo man sa ina ay wala siyang magawang tumutol dito dahil nasa poder pa siya ng mga magulang niya. Makikita sa kaniya ang halos wala nang laman niyang katawan, bakat na bakat na sa kaniyang mga braso’t kamay ang buto’t ugat niya gayundin sa mga binti at tila numipis na ang balat sa kaniyang mukha. Bilang na ang mga araw niya ngunit bago ang lahat ng iyon ay magpasalamat siya sa akin. Sa lahat ng mga alaalang kung saan naging kasintahan niya ako. May ilan na ayaw sa kaniya dahil sa sobrang pormal na pagpapahayag ng pag-ibig niya sa akin ngunit iginagalang ko ito sapagkat may kani-kaniyang paraan ng pagpapahayag nito ang mga kalalakihan. Mahigpit si Bruan at seryoso ngunit alam niya kung saan patutungo ito, ginagamit niya ang kaniyang ugali sa tamang paraan. Kung may nagawa man siyang hindi tama sa akin ay agad siyang humihingi ng tawad. Naiiba siya sa mga pangkaraniwang boyfriend sa Pilipinas. Hindi pwedeng pilitin ng tao na magbago ang kanilang kasintahan kung ito naman ay para sa ikabubuti nila. May layunin ang pagiging praktikal ni Bruan.

Bago pa siya tumuntong sa tatahaking alapaap ay isang panunumpa ang aming isinagawa. Saksi ang Maykapal sa pag-iisang dibdib namin ni Bruan. Bago pa man putulan ang kaniyang pisi ng buhay ay nangako ako sa kaniya na magiging tapat akong asawa sa hirap man o ginhawa. Isang halik ang iginawad ko sa kaniya.

“Patawarin ninyo sana ako padre sa aking mga kasalanan.” Mahinang sambit ni Bruan.

“Huwag kang mag-alala. Pinatawad ka na ng Diyos.” Tugon naman ng pari.

Paulit-ulit na sinasabi ni Bruan ang mga katagang “Alagaan ninyo sila, alagaan ninyo sila.” Magkahalong lungkot at tuwa ang namamayani sa kaniyang damdamin. Pinipigilan naman ng kaniyang ina ang pagpapahiwatig ni Bruan dahil napakasakit ito sa kaniyang kalooban samantalang ako naman ay walang nagawa kundi ang lumuha sa kaniyang tabi. Pinipilit nilalakasan ang tinig ni Bruan, tumitingin sa puting kisame na sa iniisip niya ay nariyan na ang tunay na pahingahan niya. Pagkaraan ng ilang sandali ay dumating na ang inaasahan — huling hibla na ng hininga ni Bruan at ganap nang nakalaya sa mundo, lumilipad sa piling ng nga ulap ng hapon.

Hindi ito nangangahulugan na ako’y iniwan niya sapagkat ramdam ko sa puso ang lahat ng mga alaala ng pagmamahalan namin hanggang sa katapusan. Salamat sa pagmamahal, Bruan.

oOo

Nagdaan ang ilang taon at kasama ko sa liwasan ang anak namin ni Bruan. 7 taong gulang na si Bruce at mag-i-ikalawang baitang na sa darating na pasukan. Ipinakita ko sa aking anak ang naging paboritong lugar namin noon ni Bruan, aliw na aliw ang aking anak. Tiyempo namang nandoon sina Mel at Cynthia na malapit nang ikasal. Nangarap pa si Cynthia na magkaroon na rin siya ng anak. Wala na akong balak pang mag-asawa, bakit kailangan ko pa nito kung nandito naman ang aking anghel?

Sa aming paglalakad ay may dumapo sa aking paruparo. Kulay puti at may halong asul sa kaniyang mga pakpak. Napahinto ako mula sa aking kinalalagyan. Nagtaka naman silang tatlo. Pinagmamasdan ako ng paruparong ito hanggang sa ako ay naluha. Itataboy sana nila ang paruparo ngunit pinigilan ko sila.

“Mahal, kung ikaw nga iyan, yakapin mo naman ako oh.” Ang aking sabi sa munting paruparo. Hindi nga ako nagkamali, naluluha man dahil muling bumalik sa akin ang masalimuot na katapusan niya ay natuwa na ako kahit papaano dahil nagbalik siya upang ako’y damayan, sabik na makita ang aming anak — sa anyo ng paruparong kaniyang naging paboritong hayop na inaalagaan noong siya’y tagapangalaga pa ng harding ito.

Ang Talinhaga ng Sabaw at Dalawang Kostumer

images

May dalawang taong pumunta sa karinderya upang umorder ng mami. Dahil tag-ulan ngayon ay kailangan nilang mainitan ang tiyan.

May isang taong sabik na sabik nang kumain ng mami lalo na ang paghigop sa sabaw nito. Ngunit sa hindi inaasahan ay napaso ang kaniyang dila sa isang subo pa lang. Sumakit ang dila niya. Samantalang ang isa naman ay dahan-dahang hinihipan ang sabaw sa kutsara at saka ininom. Hindi siya nakaramdam ng sakit.

Ito ang paliwanag ng talinhaga.

Ang isang kostumer na sumakit ang dila niya dahil hindi inihipang mabuti ang sabaw ay mga taong wala sa puso o hindi naging sapat ang kanilang pangungumbinsi upang patwarin ng taong sinaktan nila kaya ang nangyayari ay hindi pagtanggap at pagsisisi naman ang sa nagkasala.

Samantalang ang isang kostumer naman na hindi sumakit ang dila dahil hinipan niya nang mabuti ang sabaw ay mga taong naging matalino at maingat sa panungumnbinsi. Mula sa puso ang kanilang pagsisisi upang patawarin ng taong sinaktan nila kaya ang nangyari ay pagpapatawad at muling pagtanggap.

Hindi ganoong kadaling magpatawad ang isang tao dahil mainit pa ang kaniyang damdamin sa kapwang nagkasala sa kaniya. Ang kapatawaran ay parang paghigop ng sabaw, kailangang hihipan nang mabuti upang hindi mapaso ang dila. Kailangang gumawa ng.mabuting paraan ang isang tao upang patawarin siya ng kapwa.

Micoy

Kilala si Micoy bilang tahimik at seryosong tao. Patunay diyan na isa siyang napakahusay na estudyante sa UP College of Law. Sino ba naman ang hindi mamamangha sa 19-anyos na boyfriend ko eh valedictorian siya noong elementarya at sekondarya sa UPIS – malupit talaga siyang mag-aral, aiming for Summa Cum Laude, puro uno ang nakukuha niyang grado pero napaka-sweet pala niya. Sa katunayan, naghandog siya ng isang harana sa akin noong Valentines. Bestfriend ko siya dati pero sa katagalan ay unti-unti siyang dumadamoves sa akin – tipong lalake nga. Eh di na ako makatiis, tatlong taon kaming mag-BFF ay kailangan nang pataasin ang level kaya BFF turned to BF/GF. Hindi ko rin malilimutan sa kanya ang niluto niyang pansit na pagkasarap-sarap. Lagi ko na ngang binabalikan iyon eh at hindi siya nagdadalawang isip na ipagluto ako ng pagkain. Minsan kapag nakita niya akong nahihirapang mag-aral, ay lagi siyang nariyan para tulungan ako at kapag nade-depress ay nariyan siya para dumamay. Hindi siya humorous pero matapat, masipag, at laging nag-e-encourage sa mga ginagawa ko sa buhay – ganyan ako kamahal ni Micoy. Pero alam mo, may naiiba sa kaniya na komparahin mo sa mga ideyal na lalake. Siya ay iba…..ibang iba talaga.

Kung lumakad iyon ay parang bumibigay. Sabi naman niya na masakit lang daw ang binti niya. Kung minsan naman ay lagi siyang nakatitig sa ibang mga lalake lalo na kapag dumadaan kami sa Sunken Garden, eh katuwiran naman niya ay wala – iba ang tinitingnan niya… ano kaya iyon? Eh kung makangiti at makatitig ay hanggang langit, ang kulang na lang ay tumili. Lagi rin siyang naglalaro ng volleybal kasama ng mga babae at bading. Walang makatalo sa kaniya pero kung magsuot siya ng sports attire ay parang ka-level na yata ng mga babaeng volleyball player sa UAAP. Ito pa ang isa, noong napili akong Reyna Elena sa Santacruzan sa aming lugar, siya ang taga-ayos ng beauty ko – nagsusuklay ng buhok, naglalagay ng make-up at foundation, namimili ng mga gown, lahat-lahat. Talo yung ibang mga bading na designer kay Micoy. Di naman sa nanghihinala na ako pero hindi ko na mapigilang itanong sa kanya kung bakit ganito ang kaniyang kinikilos eh sa kabutihang palad ay hindi siya sumagot…no comment.

Ika-21 kaarawan ko ngayon, naroon ang lahat ng mga kaibigan at kaklase ko sa College of Business Administration ay siyempre, ang boyfriend kong si Micoy. Pero ytumindi ang kaba sa aking puso nang naroon din ang ex kong si Jethro. Kinakausap niya si Micoy, waring may masamang gagawin sa kaniya. Namimilit siyang painumin ng alak, at pasayawin sa harap ng mga kaibigan niya eh todo tanggi si Micoy. Galit na galit si Jethro, kaya’t sinuntok niya ito. Hindi ko na mapigilang awatin siya. Hindi pa rin nagbabago si Jethro. Ang katuwiran niya ay di naman talaga tunay na lalaki si Micoy, nagpapanggap lamang na siya ay lalaki sa harapan ko. Ilang ulit ko nang pinapatigil si Jethro pero ayaw talaga, tuloy pa rin ang panlalait kay Micoy. At dahil sa hindi na mapigil ni Micoy ay nanlaban na ito pero agad siyang pinagtulungan ng mga kaibigan niya. Agad namang umawat ang mga naroon sa party. Matapos nu’n ay isang malakas na suntok ang ibinigay ko kay Jethro, Nanggulo siya sa aking kaarawan at nakakahiya ang ginawa niya! Nag-walk-out ako at naiwan ang bumagsak na sina Micoy at Jethro. Kinuyog at pinagtulungan ng mga kamag-aral ko ang grupo ng aking ex at pinalabas sa aking bahay.
Tinanong ng ilang mga naiwan sa duguang si Micoy kung ok lang ba siya. Ayos lang daw. Dahan dahan siyang tumayo at dali-dali siyang tumungo sa hardin kung saan ako ay naroon. Parang nahihiya si Micoy kaya’t pinangunahan ko na ang tanong na kung totoo ba ang sinabi ng Jethro. Buong tapang na inamin ni Micoy ang tunay niyang katauhan – kauri siya ng pederasyon. Humihingi siya ng tawad sa kanyang kasinungalingan. Hindi niya intensiyon na lokohin niya ako, natatakot kasi siyang mapahiya at hindi ko na siya mahalin. Ngunit naipapangako naman niya na magiging tapat siya sa akin at habambuhay akong mamahalin. Mula sa kaniyang puso sinambit ang katagang “I Love You, Arrianne” at siya’y lumuha… luha ng pagsisisi at pagkatakot, umaasang matatanggap ko siya.

Hmp, naging ideyal na sa akin ang isang maginoo, makisig at guwapong lalaki. Ngunit sa pagkakataong ito, may isang lalakeng bentahe ang kaniyang puso at isip upang maging matapang at tapat sa gitna ng kakulangang pisikal. Naramdaman ko ang kabutihang loob ng mga lalakeng torpe, bading o chaka na kapag sa huli pala ay makikita ang tunay na pagmamahal katulad ng ginagawa sa akin ni Micoy. Walang mag-aayos ng beauty ko kung wala siya, Di ko na matitikman ang masarap na pagkain kung wala siya, at walang magme-make over at sa akin kung wala siya. Kahit anong gawing katauhan diyan – bakla man iyan, lalake pa rin sila at iyon ang aking pananaw kaya salamat, Micoy. Boyfriend pa rin kita.