Ikaw ay Ako Rin, Ako ay Ikaw Rin

Nababalutan ng karimlan ang kuwarto ni G. Acot nang makita ni Jerry. Medyo may ingay ng musika sa loob katya naman minsan hindi kami nagkakaintindihan ng aking kumpare. Sa kasagsagan ng aking pagtitimpla sa kape para sa aming dalubguro, nagulatkaming bigla.

“Naku, Lance, si sir!” Sigaw ni Jerry.

“O bakit?”

Nagtatakbo kamipatungo sa kuwarto ng aming dalubguro. Naulinigan niya ang isang malakas na pagkabasag ng salamin. Sa aming pagpasok ay nanlaki na lang ang aming mga mata.

oOo

Matunog ang pangalan ni G. Acot sa aming unibersidad. Hindi lang siya basta pangulo kundi komisyoner. Propesor namin siya sa Philosophy, guro din ng kaibigan kong si Jerry. Ako naman ay matagal ko nang idolo si G. Acot high school pa lamang. Kilala rin kasi siya bilang idolo ng kabataan, people’s commisioner sabi nga ng mga kamag-aral ko.

May asawa’t anak si G. Acot. Bukod sa pagiging guro ay isa siyang sikat na musikero’t manunulat. Napamahal ng mga tao dahil sa karisma niya. Hindi matatawaran ang kaniyang kabutihan at kasipagan sa tungkulin. Aktibo rin siya sa mga gawain sa simbahan, patunay na kasapi ng charismatic group. Marami nang mga problema ng mga mag-aaral ang kaniyang nasolusyonan at marami siyang nakakasalamuhang mga tao.

Tahimik ang aming dalubguro. Nagiging maingay lang siya kapag nagtuturo sa klase. Hindi siya mahilig magpatawa ngunit tagos sa aming puso ang kaniyang mga itinuturo. Balita rin kasi na marami ring mga mag-aaral ang nabago ang pananaw sa buhay dahil sa kaniya, at isa na ako doon. Payat, medyo hindi maayos ang pananamit, medyo magulo ang buhok, at laging suplado. Lagi akong iniiwasan ng mga tao, sa katunayan nga, kapag umuupo ako sa katapat ng sinoman ay agad silang umaalis. Pakiramdam ko ay isang mahirap na sinuwerte lang na makapag-aral sa unibersidad. Hindi ako sikat kahit masipag akong mag-aral ayon sa mga dalubguro ko. Kailangan kong malaman ang dahilan kung bakit ganito ako. Di ko rin namang ginustong maging ganito. Mabuti na lang at lumapit sa akin si G. Acot nang nakita niya akong nag-iisa sa kantina.

Siyempre natakot ako kasi siya ay pangulo, dalubguro, at komisyoner. Pero sinalubungan niya ako ng ngiti kasama ang kaniyang student assistant — si Jerry na matalik kong kaibigan.

“O Lance, mukhang malungkot ka diyan ah.”  Sabi ni sir.

“Ay hindi po. Good afternoon po. Nagpapahangin lang.” Tugon ko naman.

“Pero nasa puso mo ang tunay na damdamin mo. Iniiwasan ka ng mga tao no.”

“Oo nga po eh. Hindi ko po maintindihan. Nakakaramdam tuloy ako ng isolation.”

“Huwag ka kasing . Matuto kang nakihalubilo kahit papaano.”

“Pero sir, ilang ulit na po akong nakikihalubilo walang kumakaibigan sa akin. At saka ilang ulit na akong trinaydor ng mga dati kong kaibigan. Ayoko nang maulit ang mga nangyari.”

“Ganun ba? Naiintindihan kita. Siguro ay gusto mo lang maging maingat sa tao. Ganito na lang, may pag-asa pa para ayusin ang sarili mo, ang pananamit mo, ang kinikilos mo, lahat ng iyan, kahit ang mga sinabi ko ay subukan mong baguhin.”

Patuloy ang mga pangaral ni G. Acot sa akin. Naramdaman niya na hindi ako kumbinsido sa kaniyang mga sinasabi, kaya naman dinamayan ako ni Jerry. Miyembro ng charismatic group si Jerry at gusto niya aking tulungan. Alam ni G. Acot kung ano ang tunay na dahilan ng aking pagkabalisa. Sa mga sumunod na araw ay nagawa ng aking propesor na pataasin ang aking confidence. Naging katuwang naman si Jerry sa paghahanap sa magiging gf ko eh matagal ko nang ipinangarap ito pero ang lahat ng mga iyon ay binasted ako. Lagi akong napanghihinaan ng loob pero ang sabi lang sa akin ni G. Acot ay magtiwala lang ako sa Itaas.

Simula noon ay naging sandigan ko na si G. Acot sa aking mga problema. Ang isa nga rito ay noong summer class namin ng mga kamag-aral ko at napag-initan ako ng isang lalaking tagatuos dahil sa hindi mabayarang matrikula. Mahinahon naman akong sumagot pero lagi akong tinataasan ng boses pero nasermunan kalaunan ni G. Acot hindi lang ang nasabing tagatuos kundi ang lahat ng kawani ng Accounting department. Agad nagbitiw sa puwesto ang nasabing lalaki pati ang ilang empleyado nito dahil sa takot at kahihiyaan.

Mayroon pa nga na kung saan pinagbibintangan ako ng puno ng OSA na nagnakaw ako ng smartphone. Sumugod ang aking ina at nang malaman ito ni G. Acot na walang mailabas na bidyo na ako nga ang kumuha ay sinuspinde ng isang linggo ang nasabing puno dahil sa pagbibintang.

Nasaksihan ko rin si G. Acot na laging sinesermunan ang mga estudyanteng hindi sumusunod sa mga patakarang pampamantasan samantalang ang mga propesor, empleyado at kahit mga security guard kung hindi sermon ay tanggal sa serbisyo. Galit na galit siya sa mga taong ginagamit ang kapangyarihan upang manamantala ng kahinaan ng tao lalo na sa mga mahihirap,mga mag-aaral na sinasamantala ang kahinaan ng mga kamag-aral o hindi sumusunod sa mga patakaran. Agad silang pinapatawan ng parusa o tuluyang pagpapatalsik. Ganiyan kalupit si G. Acot bilang pangulo.

Nakasama namin siya sa outreach sa isang ampunan. Inisa-isang niyakap ni G. Acot ang mga kabataan. Marami ang nais makalapit sa komisyoner, pinababayaang lumapit ang mga bata sa kaniya. Hinamon pa nga kaming mga mag-aaral na magmalasakit sa kanila. Eh ako siyempre, kailangan kong gawin ito kahit medyo napilitan lang ako ni Jerry, pero kalaunan ay nagustuhan ko rin ang pakikihalubilo sa mga bata. Habang nanananghalian kami kasama ng mga piling bata ay palaging nakikipagbiruan ang dalubguro. Kapag may isang bata nga na nalulungkot ay agad niya itong nilalapitan. Iba ang karisma ni G. Acot dahil sa mukha pa lang niya ay napapanatag ang loob ng sinomang makakadaupang palad niya. Kaya kahit sa labas ay inaabangan siya ng mga kabataang estudyante at nakikipagkamay sa kaniya. Parang poon na nga kung ituring si G. Acot, dinaig pa niya ang pangulo ng Pilipinas

Sa kantina kasama ng mga kapwa ko kamag-aral, nasaksihan ni Jerry ang pagiging pangkaraniwang tao ni G. Acot kahit CHED commisioner siya. Bukas siya sa hinaing ng mga kabataang aktibista. Binuksan ang kaniyang tanggapan para sa sinomang magbubulalas ng reklamo. May mga kapwa opisyal nga na pumipigil sa mga nasabing kabataan na lumapit sa kaniya pero sinermunan sila nito. Ayaw niyang maging parang pangulo ng Pilipinas na guwardiyado at pinalalayo sa tao. Nais niyang makasalamuha ang mga ito — gusto man o ayaw sa kaniya. Marami na ring mga batas ang kaniyang nirepaso at ibinasura. Isang táong may pagmamalasakit sa sariling wika. Maraming mga guro at mga matataas na opisyal sa edukasyon ang kaniyang sinibak sa puwesto. Kilabot ng mga nananamantala si G. Acot. Kinasusuklaman ng mga abusado sa kapangyarihan at isinusumpa ng mga kontrapelo.

Kahit nga rito sa loob ng pamantasan ay may nagbabalak daw na patalsikin si G. Acot dahil sa hindi raw pantay-pantay na pagtrato sa mga empleyado. Bagama’t idolo raw ng mga kabataan ay hindi pa rin sila bilib sa kaniyang kabutihan dahil ayon sa kanila ay namimili raw ito ng tao. Parang ito rin yata ang kinaugalian ko. Sa katunayan ay marami rin akong natulungang mga kamag-aral na nagpapaturo sa akin ng mga aralin at mga batang lansangang binibigyan ng pagkain. Maalaga rin ako sa pamilya, subalit ayon sa ilan, ako raw ay palaiwas. Mayroon ngang isang kamag-aral na binu-bully ako na gusto na niyang humingi ng tawad sa akin pero hindi ko siya pinagbigyan. Hindi sa dahil ayaw ko talaga kundi natatakot lang akong maulit muli ang mga di dapat maulit. Yung mga dating hindi tumulong sa akin nang nagkasakit ang aking ama na sila naman ang lumalapit ay iniiwasan ko. Masama lang ang loob ko, kahit anong pilit ay hindi talaga maialis.

Ang plano sanang pagpapatalsik kay G. Acot ay hindi nagtagumpay dahil pumabor ang lahat ng mga kabataan at piling mahihirap na pamilya sa kaniya. Kahit sa aming pamantasan ay walang pagpapatalsik na naganap. Kaya nagsialisan na talaga ang mga naglilingkod sa kaniya, nagsipagbitiw sa puwesto. Sa basa ni Jerry, dalawa si G. Acot — isang mabuti at masama, ngunit sa dalawang iyon ay mas nanaig ang mabuti. Di na nakapagtataka kung bakit isang dekada na siyang komisyoner at pangulo ng pamantasan.

Noong isang hapon ay pumunta kami sa kaniyang bahay para magpatulong. Tagapayo namin siya ng ginagawa naming pananaliksik. Ang kaniyang bahay ay napapaligiran ng mga luntiang damo. Puti ang kulay ng tatlong palapag niyang bahay. Pagpasok sa loob ay puro retrato ng mga kalsikong musikero: Sina Mozart, Beethoven, Wagner, Vivaldi… lahat ng mga musicians. Malaki ang espasyo ng kanilang unang palapag na may grand piano sa gitna. Nandoon din ang koleksyon ng mga plaka’t cd na kinolekta niya noong siya ay bata pa lang, isang gitara, at harpa — mga patunay na musikero rin si G. Acot.

Sa ikalawang palapag naman ay ang sala. Doon sana kami gagawa pero bawal daw sabi ni G. Acot. Nakasalamuha namin ang kaniyang asawa’t anak niyang lalaking sampung taong gulang. Napakatahimik ng pamilya kapag kakain na sila ng hapunan. Pagkatapos noon ay nagkukuwentuhan sila ng mga bagay-bagay. Palaging inaalagaan ni G. Acot ang mag-ina. Kapag may kailangan ang isa sa kanila ay agad niya itong tinutugunan at kapag siya naman ay tinutulungan din siya nito.

Dumating na kami sa ikatlong palapag na kung saan bakante rin at walang ibang makikita kundi isang pintuan. Kuwarto na ito ng pamilya. Nagtataka kami kung bakit ang laki ng bahay ngunit ang daming espasyo. Nanalinghaga ang aming dalubguro. Sariling pasya na niya ito. Kasi raw ang espasyo ay kalayaan na rin ng tao. Malayang makakagalaw ang kaniyang pamilya lalo na sa kaniya.  Pumasok kami sa kuwartong iyon at sa loob ay makikita ang di mabilang na mga tropeo’t medalya. May malaking aklatan sa gawing kanan ng kaniyang tulugan. Isang upuan at munting mesa. Nakabibingi ang katahimikan sa paligid. Mula sa kuwarto niya ay tanaw ang napakaraming ilaw ng mga katapat na gusali.

Sinimulan na ng G. Acot na iwasto ang mga mali sa aming thesis habang kami naman ni Jerry ay nakatayo lamang sa tabi ng dalubguro. Sa kaniyang pagwawasto ng aming thesis ay nagsimula na siyang magkuwento ng pinaghuhugutan ng kaniyang kabutihan at kalupitan.

Lumaki sa simpleng pamilya si G. Acot. Mahirap sila noon at nagtitinda lang ng prutas sa pamilihan ang kaniyang mga magulang. Punung-puno ng mga pangarap sa buhay si G. Acot ngunit binabakod naman ito ng kaniyang mga magulang at kamag-anak dahil mahirap lang sila. Kahit napakagaling niya sa musika ay hindi siya pinapayagang sumali sa banda dahil laging nag-aalala ang kaniyang ina, ikinasama na niya ito ng loob. Hanggang sa nagkasakit ang kaniyang ama ay dito niya  na napagtanto ang lahat na lumaki siya sa hirap na walang kalayaan sa sarili. Hindi ito naramdaman ni G. Acot noong bata pa siya ngunit habang nagkakaisip at lumalawak ang kaisipan ay batid niyang binabakod ang kaniyang mga mithiin sa mundo, ang nais kasi ng mga magulang niya ay nakatuon lamang sa academics.

Nang pumanaw ang kaniyang ama ay napag-isipan na niyang maging malaya at magtuon sa mga mithiin ngunit nasa poder pa rin siya ng kaniyang inang mahilig pumigil sa mga ninanais nito. Musiko, pagbebenta at kahit pakikibahagi sa volunteer groups ay binabawalan siya ng kaniyang ina dahil nagbibilang ng poste noon si G. Acot. Nakapanghihina rin sa kaniya ang madalas na pagrereklamo at pagiging mainitin ang ulo ng kaniyang ina at kapatid. Gustomg baguhin ni G. Acot ito ngunit masaya ang mag-ina sa kanilang ugali. Hanggang sa nagkaroon na siya ng trabaho at pagkakaroon ng iniibig ay kailangan pa ng konsultasyon sa kaniyang ina. Maganda sana para sa kaniya ang mga ganito ngunit sa tingin niya ay tila muling binabakod ang mga ninanais niya gayong nasa hustong gulang na siya — dahilan upang magkaroon ng matinding hidwaan sa kanilang pamilya at napagpasiyahang magpakalayo.

Hindi lang sigalot sa iisang bubong ang naranasan ng aming dalubguro, kahit sa kaniyang mga kasamahan ay napahamak na rin siya. Maraming mga dating kaibigan ang nangagtaksil sa kaniya at gumawa ng mga kasalanan dahil lamang sa inggit. Lubos na nasasaktan si G. Acot kapag mayroong naninibugho sa kaniyang karunungan kaya naman lumayo na siya sa mga kaibigan kahit pinatawad na niya ito dahil sa takot na maulit itong muli.

Nagbunga naman daw ng pagiging mapag-isa ni G. Acot at sumunod sa dinadamdam ng puso, isa iniisip ng kamalayan, at sa kaloob ng Diyos sapagkat naging kasapi na siya ng isang bantog na banda, nakapagsulat ng maraming libro, naging asawa na niya ang kaniyang napusuang babae, at nakatulong siya sa mga tao nang walang pag-aalinlangan. Natutuwa siya sa kaniyang sarili dahil nagawa niyang magtagumpay nang walang mga taong nagbabalak sa kaniya upang ihayag ang kasamaan sa likod ng kabutihang ginagawa niya. Patuloy siyang positibo sa mga layunin niya sa buhay. Natupad ang kaniyang pangakong hindi siya matutulad sa kaniyang mga magulang na mahilig magbulalas ng mga negatibo sa buhay, pilit pinapasan ang sariling mundo, mahilig magpakulo ng sariling dugo, matigas ang puso, at mahilig tumanaw ng pag-aalinlangan. Nais niyang maging mabuting nilalang upang takasan ang mga masasamang alaalang di na dapat balikan at tularan pa. Nais niyang maging mabuting nilalang upang makaiwas sa kawalan ng pag-asang ginagawa ng kaniyang mga magulang at kamag-anak. Nais niyang maging mabuting nilalang upang hindi matulad sa mga taong nagkasala sa kaniya.

Ngunit sa haba ng taon ng kaniyang pamamayagpag sa mundo ay bigla na lamang siyang naluha. Nabalitaan na lamang niya mula sa kaniyang kapatid na malubha ang sakit ng kaniyang ina. Humiling sila na pumunta siya upang humingi ng kapatawaran ngunit hindi siya dumating dahil sa sama ng loob kaya naman namatay na ang kaniyang ina dahil sa sakit at labis na pagsisisi samantalang nalugmok sa kahirapan ang kaniyang kapatid. Nadala si G. Acot ng matinding emosyon. Ibinalik na naman sa kaniya ang mga masasamang alaala kaya nanaig ang galit sa puso. Nang maliwanagan siya ng mga kasamahan niyang guro sa pamantasan ay labis na rin ang pagsisisi ni G. Acot. Gustuhin man sanang mapatawad ang kaniyang pamilya ngunit sila ang nagsimula ng masamang ehemplo sa kaniya at nagbigay ng limitasyon na kumawala sa kinagisnang pamumuhay at pag-iisip.

Sa labis na kalungkutan ay natumbang bigla si G. Acot mula sa kaniyang kinauupuan. Inalalayan namin ni Jerry ang dalubguro, wala naman kaming nagawa kundi tumahimik. Napasuntok na lamang si G. Acot sa sahig, nagwawala’t nagpupumiglas na makalabas sa kaniyang silid ngunit pinakalma namin siya kasama ng kaniyang asawa’t anak. Walang nagawa si G. Acot kundi lumuha, ang lumuhang dahil sa ayaw na siyang tantanan ng mga masasamang alaala’t ugali.

Napaisip ko sa aking sarili na siya ay tila ako rin. Magkatulad kami ng karanasang ako ay hindi bantog sa paningin ng mga tao kahit hawak ko ang mga natatangi kong galing. Mula sa aming dalubguro binitawan ang “Ikaw ay ako rin. Ako ay ikaw rin.” Baka may posibilidad na matulad ako sa kaniya ngunit agad ko itong pinangunahan na hindi ito mangyayari. Naniniwala akong ang tao ay kayang magbago kung nanaisin talaga. Matapos noon ay pinapahinga muna si G. Acot.

Naghanda naman ng makakain ang kaniyang asawa. Si G. Acot daw mismo ang nag-isip ng konsepto ng kanilang bahay. Sinadya talagang maging malaki ang espasyo ng bahay nila dahil ito ang gusto ng dalubguro, isang mundong kung saan ang tao ay malaya nang kumilos, mag-isip, at gawin ang nais gawin nang walang bumabalakid sa kaniya. Nagpapakabingi si G. Acot sa mga salita ng kawalang pag-asa dahil ayaw na niyang maranasan ito.

Nasa kusina kaming tatlo. Napatingin si Jerry sa kuwarto ng dalubguro. Nababalutan ng karimlan ang kuwarto ni G. Acot nang makita ni Jerry. Medyo may ingay ng musika sa loob kaya naman minsan hindi kami nagkakaintindihan ng aking kumpare. Sa kasagsagan ng aking pagtitimpla sa kape para sa aming dalubguro ay nagulat kaming bigla.

“Naku, Lance, si sir!” Sigaw ni Jerry.

“O bakit?”

Nagtatakbo ako patungo sa kuwarto ng aming dalubguro. Naulinigan niya ang isang malakas na pagkabasag ng salamin. Sa aming pagpasok ay nanlaki na lang ang aming mga mata. Isang malagim na sigaw ang nagpabingi sa amin mula sa kaniyang asawa. Tumalon si G. Acot. Isang mabuting taong mayroon palang misyong hindi pa niya natatapos at iyon ay matatagpuan sa kabilang buhay kasama ng kaniyang pamilya.

Leave a comment